Skip to content

Panahon ng paninindigan at magiting na paglaban

November 12, 2010

‎’Whereas the liberals (and the liquidators) tell the workers: “You are strong when you have the sympathy of ‘society’”…You have the sympathy of ‘society’ when you are strong.’

-V.I Lenin, “Economic and Political Strikes”

(The following is a statement by Vencer Crisostomo, national secretary general of Kabataan Partylist and a former leader of the ANAKBAYAN chapter in the UP Integrated School)

Hindi po tayo nagkulang sa paalala — sa mga nasa katungkulan, sa mga mambabatas, sa ating pangulo mismo — hinggil sa panganib na idudulot ng pagkaltas sa badyet sa mga paaralan at sa serbisyong panlipunan.

Pinaglaanan natin ng panahon ang pag-aaral sa “reform budget” na ipinapasa ni Pangulong Aquino. Nagsiyasat tayo at sinikap nating makipaglinawan kung bakit pinili ng gubyerno na bawasan ng P1.1 bilyon ang pondo para sa operasyon ng ating mga state universities at colleges at kaltasan ng P650 milyon ang pondo para sa mga scholarships. At kahit bulok-bulok na ang mga pasilidad at gusali sa mga eskwela, walang inilaang capital outlay para sa ating mga pamantasan.

Ito, habang daan-daang bilyon naman ang pondo para sa pork barrel, dole-out at panuhol, pambayad-utang panlabas at gastusing militar. Hindi po ba dapat unahin ang edukasyon at serbisyo sa mamamayan bago interes ng iilan?

Hindi po tayo nagkulang sa pagtatanong. Ngunit walang makatwirang sagot na umabot sa atin.

Itinaya natin ang ating kakayanan at kahit sariling kaligtasan para lamang iparinig sa mga nasa kapangyarihan ang katumbas ng kanilang kapabayaan: na sa bawat pagkaltas nila sa pondong dapat ay para sa bayan, milyong mga magulang ang binabalot ng pagkabahala at pag-aalala para sa edukasyon ng kanilang mga anak; milyong mga kabataan ang inaagawan ng kinabukasan; milyon-milyong mamamayan ang itinutulak sa higit pang kahirapan at kawalang pag-asa.

Noong nakaraang semestre, libo-libong iskolar ng bayan ang nagwalk-out sa kanilang klase. Ang mga student council leaders ay nagpasyang maghayag sa loob na mismo sa sesyon ng Kongreso. Sunod-sunod na mga protesta ang inilunsad ng maraming mga grupo at sektor sa buong bansa. Mismong sa harap na ng pangulo dinala ng matatapang na mga lider ang ating mga panawagan.

Ang mga pagsisikap natin ay tinugunan ng insulto ng mga nasa katungkulan. Sa unang linggo ng Nobyembre, parang magnanakaw sa gabi na ipinasa ng mga kaalyado ni Aquino sa Kongreso ang budget. Kasama sa mga inapruba ang mga kaltas sa pondo ng edukasyon at serbisyong panlipunan kagaya ng sa mga ospital at OFWs. Halos P6 lamang ang gagastusin ng gubyerno kada Pilipino sa isang araw sa edukasyon at mas mababa sa P1 isang araw para sa kalusugan.

Napakalaking kataksilan na habang nananawagan tinitipid nila ang serbisyo at pinagtitiis ang mamamayan, dinagdagan nang higit sa P10 bilyon ang kabuuang pork barrel ng mga kongresista. Binigyan ng P2 bilyon na dagdag na pork barrel ang dating pangulong Arroyo, habang tinatayang nasa lagpas P245 bilyon ang mga lump-sum na katulad ng pork barrel na na pondo sa budget ni Aquino.

Sasabihin ng gubyerno na wala a itong pera. Pero ang CCT funds na panuhol ng DSWD, aabot sa mahigit P29 bilyon. Sa kabila ng pagpaslang at mga paglabag sa karapatan, dinagdagan pa ng higit P10 bilyon ang pondo ng militar. Ang tunay na prayoridad ay ang pambayad utang panlabas na kakain ng halos P823.7 bilyon o higit 40% ng budget. Dayuhan, giyera at suhol ba ang dapat unahin bago ang edukasyon at serbisyo?

Hindi po tayo nagkulang sa paalala. Hindi tayo nagkulang sa paghahayag at pananawagan. Ngunit ipinakita ng mga nakaraang buwan na hindi makikinig ang “matuwid” na gubyernong ito sa katwiran, at hindi titindig ang hacienderong nasa katungkulan para sa interes ng maralita at mamamayan.

Hindi tayo maaaring pumayag. Hindi na maaaring mas marami pag kabataan ang itulak palabas ng paaralan. Hindi na maaaring mas marami pang pamilya ang matulak sa higit pang kahirapan. Kung ninanakawan ng kinabukasan ang kabataan at pinagkakaitan ng karapatan ang maralita at bayan, isang kataksilan ang hindi paglaban. Napakaliit na sakripisyo ng ilang araw o linggo na pagliban sa klase kumpara sa sakripisyong dinadanas na ng mamamayan at dadanasin pa kung hindi tayo kikilos.

Panahon na para sa magiting na paninindigan para sa mas magandang kinabukasan. Panahon nang maipakita natin sa nagbubulag-bulagan ang katotohanan; maipadama  sa mga manhid at ganid ang galit ng bayang pinagkaitan ng karapatan; mayanig ang mga naghahari-harian ng papalaking protestang hahamon sa pundasyon ng kanilang kapangyarihan.

Ito, habang ipinababatid natin sa mamamayan na may pag-asa sa sama-samang pagkilos. At tanging dito makakamtan ang magandang bukas na naghihintay para sa bayan. Tinatawagan tayo ng panahon na lumikha ng kasaysayan. Tungkulin natin ito sa ating mga sarili, sa ating kapwa, sa ating bayan.

Itayo ang mga barikada. Itindig natin ang strike sa mga eskwela.

Para sa bayan, para sa kinabukasan:

Kilos na laban sa budget cuts!

From → Edukasyon

Leave a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: