Skip to content

Discussion Guide on the Hacienda Luisita Issue

August 23, 2010
Read Anakbayan’s Discussion Guide on the Hacienda Luisita issue. Click here to download.
For those without Adobe readers, you can read the Guide’s text here:

GABAY SA PAGTATALAKAY

‘COMPROMISE AGREEMENT’ AT ANG PAKIKIBAKA NG MGA MAGBUBUKID NG HACIENDA LUISITA PARA SA TUNAY NA REPORMA SA LUPA

Inihanda ng ANAKBAYAN, 23 Agosto 2010

Lupa at Katarungang Panlipunan

Ang Hacienda Luisita ay sumisimbolo sa sistemang malakolonyal at malapyudal na siyang nagpapanatili sa atrasadong pambansang ekonomiya at sa pagkalugmok ng mamamayan sa walang katapusang krisis. Ang kasaysayan nito ay salaysay ng masidhing pyudal na pagsasamantala at pang-aapi, maigting na makauring tunggalian sa pagitan ng panginoong maylupa at magsasaka at pakikibaka para sa matagal nang minimithing tunay na reporma sa lupa at katarungang panlipunan.

Ipinapakita nito ang pagkabigo ng mga nakaraan at kasalukuyang programa ng gobyerno hinggil sa reporma sa lupa na sa kaibuturan ay mga batas na gawa ng mga panginoong maylupa mismo. Sa huli, ipinapakita rin nito, mula sa praktika ng masang magsasaka mismo, na tanging sila lamang ang makakagawa ng epektibong hakbang upang palayain ang kanilang mga sarili mula sa pyudal na pagkakagapos.

Ano ang ‘Compromise Agreement’ ng Hacienda Luisita Incorporated?

Ilang araw bago dinggin sa Korte Suprema ang kaso ng Hacienda Luisita noong 18 Agosto, naghain ng “Compromise Agreement” ang management ng HLI upang di-umano tapusin ang matagal nang tunggalian sa pagitan ng mga magbubukid at pamilya Cojuangco-Aquino na nagmamay-ari sa 6, 453 ektaryang asyenda.

Sa nasabing kasunduan, pinapapili ang mga magbubukid sa pagitan ng dalawa: Una, ang pagpapanatili sa kanila bilang stockholders sa ilalim ng Stock Distribution Option (SDO) at ikalawa, pamamahagi ng lupa batay sa stocks na pinagmamay-arian ng mga magbubukid.

Ano itong mga ‘stocks’ at ang Stock Distribution Option (SDO)?

Ang mga stocks ay katibayan na nagmamay-ari ang stockholder sa isang parte o porsyento ng kumpanya na nagbigay rito. Sa kaso ng HLI, ang pamilya Cojuangco-Aquino ang nagmamay-ari ng 66% ng stocks. ‘Di umano, ang natitirang 33% ng shares sa HLI ay ipinamahagi ng “libre”  sa mga magbubukid noong 2004 sa ilalim ng Stock Distribution Option (SDO).

Noong 1988, sa ilalim ni Corazon Cojuangco-Aquino bilang pangulo, isinabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) kung saan ang SDO ay isang ‘butas’ sa nasabing batas dahil maaring mamahagi na lamang ang mga panginoong maylupa ng shares o stocks sa halip na tuwirang pamamahagi ng lupa sa mga magbubukid.

Taong 1989 nang ipailalim ang Hacienda Luisita sa SDO. Sa kalakaran na ipinatupad ng HLI management, ang dami ng stocks ng magbubukid ay batay sa bilang ng ‘man-days’ o trabahong nagawa ng mga magbubukid sa loob ng isang taon. Sa pagliit ng bilang ng man-days, halos P 9.50 lamang ang netong arawang sahod ng mga magbubukid na siya ring dahilan ng pagputok ng welga noong 2004.

Bakit hindi makatarungan ang SDO?

Una, ang tunay na kahilingan ng mga magbubukid ay lupa. Ngunit sa halip na lupang mapagkukunan ng kabuhayan, mga kapirasong papel lamang ang kanilang natanggap kung saan Korte Suprema mismo ang nagsabi na ‘diluted’ o ‘walang silbi’ ang mga stocks na hawak ng mga magbubukid. May mga seasonal worker rin na binigyan ng tig-isang stock para lamang masabing stock holder bagama’t walang kwenta ito.

Pangalawa, hindi totoo na “libre” ipinamahagi ng HLI ang stocks sa mga magbubukid. Ipinatupad ng management ang “no work, no stock” policy kung saan kailangan ito pagtrabahuan at ang bilang ng stocks ay batay sa bilang ng man-days. Management ang nagtatakda ng man-days at ibinaba nila ito sa hanggang tatlong araw na trabaho na lamang sa isang linggo. Halos wala pa sa piso ang halaga ng isang stock.

Dagdag pa rito, ang mga magbubukid na umalis o tinanggal sa trabaho ay hindi na muling makakakuha ng stocks.

Nilabag rin ng management ng HLI mismo ang mga kasunduang pinasukan niya mismo maging ang ilang mga probisyon sa huwad na CARP. Nabili ng mga Cojuangco-Aquino ang asyenda mula sa utang nito sa GSIS na may kundisyon na ipapamahagi ang lupa matapos ang 10 taon sa ilalim ng “social justice program ng bansa”. Makalipas ang ilang dekada, hindi ipinamahagi ang lupa at ipinailalim pa ito sa SDO. Sa ilalim ng kasunduang SDO na pinasok ng HLI, dapat ring ipamahagi ang stocks sa loob ng 2 taon ngunit itinakda ng management na ipapamahagi lamang ito makalipas ang 30 taon.

Taong 2003 nang magsampa ng kaso ang mga magbubukid ng HLI sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang ipabasura ang SD. Tagumpay ng welga ng mga magbubukid noong 2004 ang pagpapawalang bisa ng DAR at ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) sa SDO dahil lumitaw sa mga imbestigasyon nito na hindi naman tunay na umunlad ang kalagayan ng mga magbubukid. Ito’y nangangahulugang kailangang tuwirang ipamahagi na sa mga magbubukid ang 6, 453 ektaryang lupain.

Kaagad namang kinuwestyon ng management ng HLI sa Korte Suprema ang desisyon ng PARC at nakakuha sila ng Temporary Restraining Order (TRO) noong 2006. Matapos ang apat na taon, didinggin na sana ng Korte Suprema ang kasong ito.

Ano ang mga laman ng ‘Compromise Agreement’ na hindi sinabi sa mga magbubukid?

Una, inaabswelto ng nasabing dokumento ang HLI at pamilya Cojuangco-Aquino sa lahat ng mga kasong may kinalaman sa lupa na isinampa, nakasampa, o maaaring isampa sa korte sa hinaharap.

Pangalawa, binibigyang pahintulot nito ang HLI at pamilya Cojuangco-Aquino na i-convert o palitan ang gamit ng lupa ng Luisita mula agricultural patungong di-agrikultural. Ilang halimbawa ay ang nakatayong golf course dito, ang Luisita Mall, at ang Luisita Industrial Park. Mayroon rin 500 ektarya na ibinenta sa RCBC sa halagang P 750 M para sa di-agrikultural na pag-gamit. Kasama rin dito ang pagbenta ng ilang ektarya para tayuan ng parte ng SCTEX.

Dudulo ang ganitong kalakaran sa pagpapalayas sa mga magbubukid sa asyenda dahil tinatanggal ng pamilya Cojuangco-Aquino ang batayan ng kanilang pananatili roon sa pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural tungong komersyal, industriyal at iba pa.

Ano ang epekto ng ‘Compromise Agreement’ sa nakabinbing kaso sa Korte Suprema?

Isinumite ng HLI management ang ‘Compromise Agreement’ sa Korte Suprema para i-uphold o aprubahan. Sakaling gawin ito ng Korte, awtomatiko nitong kinikilala ang ligalidad ng SDO. Nangangahulugan rin iyon na agad na ring ibabasura ang naunang kaso ng HLI sapagka’t mawawalan ng ligal na batayan ang naunang desisyon ng DAR at PARC na ipawalang bisa ang SDO at kagyat na ipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita sa mga magbubukid.

May pananagutan ba si Benigno Noynoy Cojuangco Aquino III dito?

‘Di umano, ‘hands off’ si Benigno Noynoy Aquino III sa usapin ng Hacienda Luisita. Ito raw ay isang ‘intra-corporate matter’ na hindi dapat pinanghihimasukan ng opisina ng Pangulo at sa esensya mga ahensya ng gobyerno sa ehekutibo.

Hindi maaaring maghugas-kamay o magmaang-maangan si Noynoy Aquino sa usapin na ito. Bilang pangulo ng bansa, malinaw na dapat itong pumanig sa mga magbubukid at kanilang interes para sa pamamahagi ng lupa sa ngalan ng panlipunang hustisya.

Sa ‘hindi pakikialam’ ni Noynoy, sinasangayunan niya ang kasalukuyang kalagayan ng panlalamang ng mga panginoong maylupa sa mga magbubukid. Hindi ito nakapagtataka lalo pa’t interes ng uring kanyang pinagmulan (despotikong panginoong maylupa) ang pagpapanatili sa monopolyo sa lupa at pyudal na pagsasamantala. At sa ganito kaaga, nailalantad mismo na wala naman siyang ipinagiba kay Gloria Arroyo na nagsulong ng CARPER at isa pang kontra-magsasaka.

Sigaw ng kabataan at mamamayan: Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!

Batay sa pag-aaral ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong 2007, 20.79% ng lahat ng mga lupang sakahan sa buong bansa ay hawak lamang ng 9,000 mahigit na indibidwal. Kasama dito ang pamilya Cojuangco-Aquino na may hawak na 30,000 ektarya sa Negros, Isabela, Cagayan, Davao del Sur, Cotobato, at Palawan.

Sa kabilang banda, pito sa bawat sampung magsasaka (na bumubuo sa 75% ng ating populasyon) ang walang sariling lupa. Bagama’t tanging ang kanilang dugo at pawis ang nagpapabunga sa nakatiwang-wang na lupa at nagpapayaman sa mga panginoong maylupa, ang bunga ng kanilang paghihirap ay hindi nila natatamasa sa simpleng dahilan na hindi sila nagmamayari ng lupang pinagtatrabahuan.

Dahil karamihan rin ng mga kabataan ay mula sa uring magsasaka, malaking dahilan kung bakit marami ang hindi nakakapag-aral ay dahil sa kahirapan na dulot ng kawalan ng sariling lupa ng kanilang mga pamilya.

Buong bayan ang makikinabang sa pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa. Sa pagkakaroon ng sariling lupain para pagtaniman, kasama ang suporta mula sa gobyerno, tataas ang kita at antas ng kabuhayan ng magsasakang Pilipino. Sa isang simpleng polisiya, naangat ang mayorya ng mga kababayan natin mula sa kahirapan. Hindi na rin kailangan magsiksikan ang mga maralita sa mga lungsod sapagka’t sapat ang mga lupang agrikultural sa buong bansa para mabigyan ng sakahan ang lahat ng nagnanais na magsaka.

Sa paglikha ng isang malaking sektor na may disenteng kabuhayan, nagkakaroon ng malaking merkado para sa mga produkto at serbisyo ng mga lokal na kumpanya at industriya. Mabibigyan rin ng diin ang paglikha ng mga tanim na pang-industriyal ang gamit para sa mga lokal na industriya imbes na sa mga dayuhang kapitalista. Ang tunay na reporma sa lupa ay isang mahalagang hakbang tungo sa tunay na pagunlad ng ating ekonomiya.

Isulong ang Tunay na Reporma sa Lupa! Makibaka para sa Pambansang Demokrasya!

Bukod sa pyudal na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa kanayunan, nariyan at nakakubabaw ang imperyalistang US sa mga lokal na ahente nito (malaking burgesya kumprador at burukrata kapitalista) na ipinananatili rin ang atrasadong agrikultura at bansot na ekonomiya para sa imperyalistang interes.

Tiyak na ang imperyalistang US, PML, MBK kasapakat ang lokal na mga burukrata ay hindi papayag na maisulong ang tunay na reporma sa lupa at gagawin ng mga ito ang lahat upang harangin ang anumang batas o panukala upang iangat ang kabuhayan ng mga magsasaka, gamitin man nila ang ilang ahensya ng gobyerno tulad ng AFP at PNP upang supilin ang makatarungang laban ng mga mamamayan.

Hindi kaila sa atin na sa harap ng nag-iibayong kahirapan at kagutuman ng masang magsasaka, patuloy nilang ipinaglalaban, katuwang ang mga manggagawa’t mamamayan, ang tunay na reporma sa lupa sa lahat ng posibleng larangan.

Bahagi nito ang ating kampanya upang ibasura ang huwad na batas ng gobyerno sa reporma sa lupa—ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at ang Stock Distribution Option (SDO). Katambal nito ang ating kampanya upang isabatas ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) o HB 374.

Bilang mga kabataan, nasa atin ang kasanayan at lakas ng katawan upang maging mga propagandista ng pambansa-demokratikong kilusan ng mamamayan. Tayo’y hinihikayat na maglunsad ng maraming pag-aaral hinggil sa pyudalismo, tunay na reporma sa lupa, tunay na katangian ng ating lipunan at ang pambansa-demokratikong alternatiba. Dagat pa ang mga kabataan na maaari nating mapaloob at ma-organisa sa ating mga pangmasang organisasyon at mamobilisa sa mga isyu ng mamamayan.

Gaya ng ipinapakita ng praktika ng mga masang magsasaka ng Hacienda Luisita mismo, maaaring magamit hanggang sa isang antas ang mga kasalukuyang batas. Ngunit sa buhay at kamatayan na pakikibaka at pakikitunggali ng mga magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa at katarungang panlipunan, walang hahalili sa pagtungo sa kanayuan upang lubusang maunawaan ang pang-aapi at pananamantalang kanilang nararanasan at pakikibahagi sa kanilang anti-pyudal na pakikibaka.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: